Para saiyo, teacher:
Tila napakabilis lamang nagdaan ng mga buwan. Nasa ikaapat na quarter na pala tayo ng taong panuruan. Ilang araw na lamang ay matatapos na ang school year na ito.
Konting kembot nalang ay mapapahinga na tayo.
Gusto ko lang pong sabihin na congratulations, teacher! Ang galing mo! Nakakabilib ka! Bilib ako sa iyo!
Bilib ako sayo noong araw na masigasig mong tinawagan at hinikayat mag-enrol ang mga mag-aaral kahit palihim mong hinihiling na huwag pa sanang magsimula ang pasukan dahil sa takot sa covid.
Bilib ako sayo noong unang beses na pumasok ka sa paaralan para mamahagi ng modules sa kabila ng iyong nerbyos na baka isa sa mga magulang, kasama sa trabaho, o driver ng sinasakyan mong tricycle ay positibo sa virus. Nakakabilib ang tapang mo!
Bilib ako sa ilang gabing pagpupuyat matapos lamang ang mga gawain, ang pag check ng sangkaterbang papel na alam mong kalimitan ay hindi sila ang nagsagot.
Nakakatuwa ang ngiti mo tuwing may nagpasang bata na sarili at kumpleto ang sagot na ipinasa. Ramdam ko ang0p panghihinayang habang nasabi mong “Sayang, hindi ko ito makikilala ng harapan…”. Minsan tinatanong mo kung bakit parang mas pagod ka pa ngayon kaysa noon, pero teacher, bilib pa rin ako sa sipag mo!
Na kahit sumakit na ang lalamunan mo kakatawag sa mga magulang at bata (na ang iba ay hindi ka na pinapansin, nirereplyan at sini-seen), sa paggawa mo ng video lessons na hindi naman required (dahil modular), at sa daliri mong pudpod na kakaexplain ng lesson sa chat, ni minsan ay hindi ka tumigil. Nakakabilib ang dedikasyon mo. ?
At pinaka-nakakahanga ka sa tuwing pipiliin mong lumuwas sa iyong paninindigan at pinaniniwalaan maisalba at maitawid lamang ang mga batang tila sumuko na lang sa edukasyon. Bilib ako sa vision mo na baka nga naman ang lahat ng ito ay mayroong patutunguhan.
At sa dinami dami ng lahat ng nangyari ngayong taon na ito, nakilala natin ang bagong “tayo” – bilang guro at bilang tao… Na mas matatag, mas malakas, mas masipag, mas resilient, mas madiskarte, mas maunawain, mas bukas ang isip, at mas kayang humarap sa mga hapon ng edukasyon.
Kaunti nalang, mga kapatid, at matatapos na ang school year na ito. Tapos, kapag natapos na… magsisimula ulit tayo.
Congratulations at Mabuhay ka!
—
Isinulat ni:
Haze Munoz