Ang Gurong Manlalakbay

Siya si Binibining Doray. Isa siya sa paborito kong guro sa Mababang Paaralan ng Apolinario Mabini. Mahusay siyang magturo, sumayaw at higit sa lahat magaling magkwento tungkol sa mga lugar na kanyang napuntahan.

Isa siyang gurong manlalakbay. Kung walang pasok o bakante ang kanyang oras nakahanda na siya at ang kanyang paboritong dilaw na bag na may disenyong pusa upang maglakbay.

Nariyang ikwento niya sa amin ang pinakamaliit na libro na nakita niya, ang pinakamalaking sapatos na halos kasya ang tatlumpong tao, ang mga magagandang tanawin na kaakit-akit sa mata at mga masasarap na pagkain sa bawat lugar na narating niya.

Naalala ko ang kwento niya sa aralin namin tungkol sa mga yamang lupa, ipinakita niya sa klase ang iba’t ibang uri ng anyong lupa na kanyang napuntahan, manghang-mangha kaming lahat sa mga larawang ipinakita niya.

Nariyan ang mga bundok na makikita sa Benguet, ang Bundok Pulag ang pangalawang pinakamataas na bundok sa Pilipinas, ang Bundok Ulap na gustong gustong akyatin ng mga turista dahil abot kamay nila ang mga ulap kapag sila ay nasa tuktok at ang Bundok Kalugong na may korteng sombrero na kung aakyatin ay makikita ang buong lambak ng La Trinidad na tinaguriang Salad Bowl ng Pilipinas.

Bilib din kami sa lakas niya nang akyatin niya ang Bundok Pinatubo sa Zambales at ang pinakamaliit na bulkan sa Pilipinas, ang Bulkang Taal sa Batangas. Hindi nakaramdam ng takot si Binibining Doray ng pasukin nila ng mga kaibigan niya ang kuweba ng Capisaan, ang pinakamahabang kuweba sa Pilipinas na matatagpuan sa lalawigan ng Nueva Viscaya. Mahirap daw ang pagpasok doon dahil madulas, maputik at maraming mga maliliit na butas na kailangang gumapang para daanan ang mga ito, pero para sa kanya ay balewala ang mga iyon dahil sa ganda ng mga hugis ng mga bato sa loob ng kuweba.

Marami pang kwento sa amin si Binibining Doray tungkol sa mga lugar na kanyang napuntahan. Lagi niyang ipinapaalala sa amin na sa bawat lugar na pupuntahan ay kailangang igalang ito at ang mga taong nakapaligid dito.

Sa tuwing aking naririnig ang mga kwento ng paglalakbay ni Binibining Doray ay ginagawa ko itong inspirasyon upang sa paglaki ko ay aking tatahakin at mapuntahan ang mga lugar na kanyang ikwinento sa amin.

Dasal ko sa Panginoon na bigyan siya ng lakas upang mapuntahan niya ang mga iba pang tanawin na kanyang ibabahagi sa amin. Iyan si Binibining Doray, ang guro kong manlalakbay.


Isinulat ni:
Jaquiline N. Chomawin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *