Congrats

“Uy pare, congrats!” napalingon ako sa tumawag. Si Josh, isa sa mga tropa ko noong hayskul, kumaway lang galing sa likuran ‘yung iba. Nginitian ko sila pabalik habang tinatanggap ang kamay ni Josh na kanina pa nakalahad.

“Salamat pre!” sagot ko. Nakahinga ako nang maluwag. Akala ko kasi hindi na sila makakarating, makulimlim na kasi at huli na sila sa napag-usapang oras.

“Akala ko hindi na kayo makakapunta eh!” dagdag ko pa.

Tumawa siya sabay tapik sa balikat ko. “Puwede ba ‘yon?… Tropa kaya tayo lalo na… dati,” napatawa ako sa sinabi niya.

“Saka biruin mo ‘no? Naalala ko pa noon, ‘yung ilang beses kang umaabsent. Pasensya na ha, nasumbong kita kay Ma’am!” Medyo alanganin siyang tumingin sa akin na tila ba’y nagsisisi sa nakaraan.

“Sus! wala na ‘yon! Teka… kumain na ba kayo?” Tanong ko habang inilalagay ang naka-frame na diploma sa dingding at pilit nililingon ang kaibigan.

“Hindi pa… eh alam mo naman, mas nauuna ang toma.”

Napailing na lang ako. Siguro naharang na sila nila Totoy sa bungad pa lang.

Tumango ako kahit abala sa pagpapantay nang isinasabit. “Sige sasabay na ako, pakitignan nga Pre kung pantay ba, baka kasi tumabingi,” kako, lumayo siya nang kaunti habang sinasabi ‘yung tamang anggulo.

Napatitig ako sa bagay na hawak ko…

Sa wakas…

Ilang taon din akong nagtiis. Naalala ko pa noong araw na sinabi ni Mama na tumigil muna ako sa pag-aaral kasi sobrang nahihirapan na sila. Ayaw ko man, pero anong magagawa ko, panganay ako. Problema nila, problema ko rin. Dama ko ‘yung pagsisikap nila sa araw-araw, magkaroon lang kami ng pamasahe.

Hindi ko na ininda ‘yung baon, ‘yung humahapding sikmura tuwing ‘break-time’ namin. Makapasok lang… Makapagtapos lang… ‘yun ang tinanim ko sa isip ko. Iyon kasi ang sabi ni Ma’am. Pagnakapagtapos daw ako, mas malaki ang maitutulong ko sa magulang ko.

Pero sadyang may mga pangyayaring hindi maiiwasan. Naka-ilang ulit ako sa pag-aaral. Hindi ako makaalis sa hayskul. Pakiramdam ko niloloko ko lang ang sarili ko, hindi nga siguro para sa akin ito…. Mas kailangan ito ng kapatid ko.

Nagbalik ako sa sarili nang makaramdam nang mahigpit na yakap.

“Thank you, kuya!” ani niya habang nakayapos sa akin.

“Ohh nandito na pala ‘yung grumadyet ehh.. Congrats!” sabi ni Josh. Hindi ko na namalayan na labis nang ngiti ko habang tanaw ang nasa dingding…


Isinulat ni:
Lyn Lois Ong
Maximo L. Gatlabayan Memorial National High School

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *