Di Lang Siya Isang Guro

di lang siya isang guro,
siya’y isa ring tagapaghugis ng pangarap
pinagtatagpi-tagpi niya ang mga panaginip para maging sayo ang bukas.
Tutulungan ka niyang lumikha ng mga bakas,
Nang sa paglao’y ang mga pangarap ay matupad.

di lang siya isang guro,
siya’y isa ring tagapaghubog ng puso
Di lang isip ang kaya niyang mapuno,
Damdamin ay kaya niyang baguhin sa pagtuturo.

siya’y isang tagapagkulay din ng buhay,
Ang mga aral niya’y maaaring maging gabay,
Sana lamang ay iyong isabuhay,
Nang makamit mo rin ang tagumpay.

‘di lang siya isang guro,
siya’y mamamayan ding kumikilos para sa mamamayan
hindi hinihiwalay ang sarili sapagkat bahagi siya nito
mahalaga ang papel niya sa mundo.

di lang siya isang guro,
siya’y isa ring tagapag-aral ng buhay
nakikipagbuno sa unos at natututo sa mali
Kaya niyang pasukin ang dilim hindi upang magkubli,
Kundi upang ang liwanag ay maibahagi.

di lang siya nagtuturo,
siya’y nagmamahal din,
natututo, nagkakamali, nagmamasid,
napapagod, sumisigla, naiinis.

siya’y naglalakbay din sa samut- saring damdamin,
nakikisabay sa karanasan ng buhay,
at nakikipamuhay sa daigdig
Di siya nagpapakahirap para maging dakila,
Ang matuto ka ang sa kanya’y mahalaga
Sana ay iyong makita.

Siya’y isang guro.
Ang halaga niya’y di lang sa pagtuturo,
Kaya niyang baguhin ang mundo sa pamamagitan mo
Sana’y hayaan mo .

Di man minsan naaabot ng hinagap mo kung paano siya nagmamahal,
Di mo man minsan napapansin na siya’y nahihirapan,
Mahal ka niya,
At ayaw niyang maligaw ka.


Isinulat ni:
Aivan B Navallasca ng Binalbagan Catholic College

One thought on “Di Lang Siya Isang Guro

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *