Instant Noodles

Mahilig si Leonor sa instant noodles.

Gabundok ang stack ng mga ito sa kaniyang cabinet, doon sa may kusina. Drained man o may sabaw, pareho niyang bet. Marami rin siyang cup noodles na hindi tumatagal ng isang linggo ang pagkakasalansan. Said kaagad. Mas gugustuhin niya pang kumain ng mga ito kaysa sumama sa samgyupsalan at magpaputok ng tiyan. ‘Di siya maghihintay ng matagal, tatlong minuto lang e malalasap na niya ang mabetsin este flavorful na sabaw. Lasang-lasa mo ang katas ng manok, baboy, baka at seafoods in a form of chemical, walang halong natural.

Siguro kung isasama mo siya sa restawran, nilayasan ka na niya, ayaw niya kasing kumain ng pagkaing inihahanda nang matagal. Instant noodles! Kaya ang buhay niya, instant din.

Namatay siya dahil sa bato sa apdo, as expected.

Pero sa ngayon, hindi lang noodles ang instant, pati yata edukasyon natin magiging instant din.

Sige!

Ibigay na natin ang “child protection policy” kahit matabang, masama nga namang disiplinahin ang bata kahit minumura at dinuduro si Ma’am at Sir. Kailangang sanggulin, bawal pakainin ng matigas na pagkain o ‘di kaya’y palunukin ng bitter pills, baka nga naman matigakan at lumungad.

Pero yung “No Homework Policy”, maling-mali talaga. Kahit saang anggulo tingnan, mas nangingibabaw ang pagiging “ignorante” ng nagpanukala. Ang katuwira’y “to spend quality time with the family?”

Tuwing may low pressure area, ipinapanalangin nilang walang pasok. Alam mo ang rason? Para kasama ang pamilya sa bonding? Numero uno, tinatamad sila. Tamad sila! Mas pipiliin ng karamihan ang bumabad sa social media at Netflix.

Pahilaw nang pahilaw ang luto sa kabataan. Una, pinilit niyo kaming pasukin ang K-12 kahit mismong kayo hindi pa handa. Sabog sa seminars at ‘di makatotohanang competencies. Pangalawa, tinanggalan kami ng karapatang patikimin ng disiplina ang mga bata, kahit hindi na makatuwiran. Tapos, walang homework? Then? Kailangan naming gumawa ng activities, assessments at lectures na out of this world na magkakasya sa isang oras sa isang araw. Iaadjust ni Titser ang oras niya. Ipapalamon sa bata sa apat na sulok ng klasrum ang katakot-takot na competencies. Choice rin nila kung gusto nilang matuto o hindi. Take note, bawal nga pa lang magbagsak.

Bakit?

Hindi ba nagtagumpay ang henerasyong hinubog ng lumang edukasyon? Parang sinasabi niyo, kayong nasa pedestal na matatandang hukluban na kayo ay bunga ng maling edukasyon kaya gusto niyo itong ipabago.

Gragradweyt ang bata. Dala ang buslog na ugali, at dahil naipatupad na ang no homework policy, reklamador silang lahat sa trabaho. Hindi sanay mapawisan at ma-stress. Mamalag-malag sa tunay na buhay kasi nabuhay lang sa loob ng klasrum.

Lahatin niyo na kaya para hindi nakakalito.

Child protection policy, no assignment policy, no sabay-sabay na quizzes sa iba’t ibang subject policy, no periodic exam policy o no education at all policy.

Mula sa kinakaing instant noodles, ang mga Pilipino nag-evolved ang pananaw. Instant pagpasa, instant graduation at instant diploma na rin. Tapos instant workers na rin sila, ‘di kasi nila keri ang stress.


Isinulat ni:
BITOY BITES

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *