Itaas ang Kamay ng mga Gising Pa

Itaas ang kamay
Ng mga gising pa
Ngayong alas-kwatro
Oras ng umaga
Bakit nga ba
Ika’y gising pa?
At hindi makatulog
Diyan sa iyong kama.

Ikaw ba’y nalulumbay
Sa hirap ng iyong buhay?
O ika’y nagdadalamhati
Sa pag-ibig na nasawi.
Ikaw ba’y namimilipit
Sa katawang may sakit?
O ‘di kaya’y nananabik
Sa kanyang yakap at halik.

Kung iba man
Ang iyong dahilan
Ibaba ang kamay
Kung maaari lamang
At ika’y matulog na
Mga mata’y ipikit
Ang mahimbing na pahinga
Ay iyo nang ipilit
Bago mo marinig
Ang panaghoy at ingay
Mula saming nakataas
Pa ang mga kamay

Hikbi ng marahan
Para sa kahirapan
Daing ay ilabas
Kung ika’y iniwan
Sumigaw sa hangin
Ang lahat ng balisa
Ulitin lang hanggang
Lungkot ay mawala

Kung tapos ka na ay
Pwede mo nang ibaba
Ang nakataas na kamay
Kasabay ng iyong luha
Punasan ang mukha
Kusutin ang mga mata
At ang ating mga damdamin
Sabay-sabay nang ipahinga

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *