Larong Pinoy

Magsimula táyo sa larong BAHAY-BAHAYAN,
hawakan mo ako’t sabay tayong bumuo ng pagkakaibígan.
Sundan natin ito sa HABUL-HABULAN,
isali natin sina Plaridel at Laong-laan at sama-samang payabungin ang kinaadman.

Halina! tayo’y tumungo sa tuyô at matigas na daan,
tayo’y magTIYAKAD, ang mahulog ay manlilibre ng kendi sa tindahan.
Dadako rin táyo sa isang handaan at makikisali sa HAMPAS-PALAYOK na nakalaan,
sabay nating iwasan ang mahuhulog na harina’t saluhin ang mga mapakikinabangan.

Nais kong sabihin na sa lalim ng ating samahan,
sa LANGIT-LUPA’y ‘di kita hahayaang maiwang nakalugmok sa putikan,
at sa LUKSONG BAKA’y sabay nating tatalunan ang mga balakid na humaharang.
LUKSONG TINIK ang magsisilbing hámon sa pag-abot ng matayog nating adhikang kinagigiliwan,
patuloy tayong luLUKSO at ‘di hahayaang kitilin ng LUBID ang mga pinaghirapan.

Mahulí man sa SAWSAW-SUKA’y ‘di kita hahayaang maging tayâ,
sabay nating siSIPAin ang mga táong sa atin ay sumisirà.
Mag-uunahan táyong makapag-impok ng kasaganaan na tila isang SUNGKÂ,
upang walang magiging isang palaka na pabuka-bukaka at kalauna’y matatagpuang nakatihaya’t kaawa-awa.

Hindi ako mapapagod makipagPATINTERO kina búhay at kamatayan,
‘pagkat ‘di ko ibig na maglaho ang ating hinulmang kayamanan.
Hindi ko hahayaang maging tila iTinUMBANG PRESO tayo na gayon na lang kung apak-apakan,
aakyatin ko ang PALOSEBO at walang pag-iimbot na aabutin ang kulturang sa ati’y nagbibigay pagkakakilanlan.

Buksan mo man ang aking dibdib, pangakong kayumanggi ang kulay nito taliwas man sa inaakala mo,
ito ang puso ko— puso ng isang maharlikang matalik na kaibígan mo.
Humihingi ako ng tawad ‘pagkat si modernisasyo’t teknolohiya’y kinakaibigan ko,
alam kong ika’y naninibugho’t naiinis sa kasalukuyan kong estado.

Huwag mo sanang isipin na nakikipagTAGU-TAGUAN na ako sa iyo,
patawarin mo nawa ako nakababatang sarili ko.


Isinulat ni:
Dandave Gonzales

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *