Ma’am

Matapos ang napakahabang oras nang pakikipagbakbakan ko sa aking klase ngayong araw, sa wakas ay makakauwi na rin. Sinenyasan ko si Ma’am Neth na pumara na ng jeep dahil Hindi ko na maiangat ang mga braso sa dami ng dalahin.

“Buti naman at makakapagpahinga na rin!” Aniya nang makasakay. Pumwesto kami medyo malapit sa nagmamaneho. Minsan kasi ay pahirapan pa kung magpaabot ng bayad.

Napaismid ako. “Baka makapagpahinga, eh hanggang bahay ay minumulto tayo ng trabaho.” Kako habang nagbibilang ng barya.

“Ehh, may oras naman kanina kaya natapos ko na’yung iba… bakit kasi Hindi mo ginawa?” Inabot niya sa akin ang buong bente.

“Naii-stress kasi ako sa mga bata. Kita mo nga kanina ‘yung si Melvin! Ilang araw na namang wala. Papasok man, tinutulugan lang ako sa klase!” Napairap na lang ako nang maalala ang bata.

Minsanan lamang ito kung pumasok. Nakausap ko na rin ang nanay niya pero maging sila yata’y wala naman ding nagagawa pagdating sa pagdidisiplina rito.

Pumasok man, kung hindi tulala’y nakadukdok naman ang mukha sa kaniyang upuan. Pahirapan pa ito kung sumagot sa mga simpleng tanong. Tila ba’y walang pinagkaiba ang presensiya pag siya ay wala at nariyan.

“Aba oo nga, pasaway talaga ‘yan. Nakita nga raw iyan noong isang araw. Nagcutting daw!” Mas lalo lang yatang umasim ang mukha ko sa nalaman. At dahil sa pag-uusap ay nawala nanaman ako sa pagbilang ng baryang ibabayad!

“Naku! Wag lang talaga ako ang makahuli’t masasampolan ko siya.” Sabi ko, ibinalik ko na ang sobrang pera sa bulsa at pasimpleng inabot ang bayad.

“Bayad, sa may Crossing lang!” Tumingin si Kuya sa salamin na wari’y nanunuri sa mga hindi pa nagbabayad. Nanlaki ang mga mata ko sa nakita. Sandaling nanlamig ang aking pakiramdam.

“Ahh ma’am, okay na po. Huwag na po kayong magbayad.” Ngumiti ito matapos binalik ang tanaw sa kalsada.


Isinulat ni:
Lyn Lois Ong
Maximo L. Gatlabayan Memorial National High School

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *