I love, so I wait
I break, so I hate
I smile, I cry, I sigh, I cope
I’m stuck in this cycle
Of hurt and hope
An Open Letter to All My Fellow Kaguro
Para saiyo, teacher:
Tila napakabilis lamang nagdaan ng mga buwan. Nasa ikaapat na quarter na pala tayo ng taong panuruan. Ilang araw na lamang ay matatapos na ang school year na ito.
Konting kembot nalang ay mapapahinga na tayo.
Gusto ko lang pong sabihin na congratulations, teacher! Ang galing mo! Nakakabilib ka! Bilib ako sa iyo!
Bilib ako sayo noong araw na masigasig mong tinawagan at hinikayat mag-enrol ang mga mag-aaral kahit palihim mong hinihiling na huwag pa sanang magsimula ang pasukan dahil sa takot sa covid.
Bilib ako sayo noong unang beses na pumasok ka sa paaralan para mamahagi ng modules sa kabila ng iyong nerbyos na baka isa sa mga magulang, kasama sa trabaho, o driver ng sinasakyan mong tricycle ay positibo sa virus. Nakakabilib ang tapang mo!
Bilib ako sa ilang gabing pagpupuyat matapos lamang ang mga gawain, ang pag check ng sangkaterbang papel na alam mong kalimitan ay hindi sila ang nagsagot.
Nakakatuwa ang ngiti mo tuwing may nagpasang bata na sarili at kumpleto ang sagot na ipinasa. Ramdam ko ang0p panghihinayang habang nasabi mong “Sayang, hindi ko ito makikilala ng harapan…”. Minsan tinatanong mo kung bakit parang mas pagod ka pa ngayon kaysa noon, pero teacher, bilib pa rin ako sa sipag mo!
Na kahit sumakit na ang lalamunan mo kakatawag sa mga magulang at bata (na ang iba ay hindi ka na pinapansin, nirereplyan at sini-seen), sa paggawa mo ng video lessons na hindi naman required (dahil modular), at sa daliri mong pudpod na kakaexplain ng lesson sa chat, ni minsan ay hindi ka tumigil. Nakakabilib ang dedikasyon mo. ?
At pinaka-nakakahanga ka sa tuwing pipiliin mong lumuwas sa iyong paninindigan at pinaniniwalaan maisalba at maitawid lamang ang mga batang tila sumuko na lang sa edukasyon. Bilib ako sa vision mo na baka nga naman ang lahat ng ito ay mayroong patutunguhan.
At sa dinami dami ng lahat ng nangyari ngayong taon na ito, nakilala natin ang bagong “tayo” – bilang guro at bilang tao… Na mas matatag, mas malakas, mas masipag, mas resilient, mas madiskarte, mas maunawain, mas bukas ang isip, at mas kayang humarap sa mga hapon ng edukasyon.
Kaunti nalang, mga kapatid, at matatapos na ang school year na ito. Tapos, kapag natapos na… magsisimula ulit tayo.
Congratulations at Mabuhay ka!
—
Isinulat ni:
Haze Munoz
Akmang Tugon sa Wastong Pahiwatig
Tilaok ay nanggigising sa umaga—
hinihintay ang dinaramdam kong pasya.
Paaralan o palayan? Alin nga ba?
Tugon ng sikmura ko’y palayan, tara!
‘Pagkat umiingay na yaong kaldero,
kinakailanga’y bigas, ‘di k’waderno.
Numero lang naman siguro ang grado,
mahalaga’y buháy at ‘di isang preso.
Ngunit tila anino yaong disgrasya,
bitbit na karit hatid ay dugong mantsa.
Nagpapahiwatig na yaong pambura,
maging putíng uniporme’y nanghihila.
Sa masalimuot na pagpoproseso,
habang nahakbang sa putikang pasilyo,
tila desisyon ko’y wasto at perpekto—
Heto’t malapit na maging ‘sang maestro.
—
Isinulat ni:
Dandave Gonzales
Larong Pinoy
Magsimula táyo sa larong BAHAY-BAHAYAN,
hawakan mo ako’t sabay tayong bumuo ng pagkakaibígan.
Sundan natin ito sa HABUL-HABULAN,
isali natin sina Plaridel at Laong-laan at sama-samang payabungin ang kinaadman.
Halina! tayo’y tumungo sa tuyô at matigas na daan,
tayo’y magTIYAKAD, ang mahulog ay manlilibre ng kendi sa tindahan.
Dadako rin táyo sa isang handaan at makikisali sa HAMPAS-PALAYOK na nakalaan,
sabay nating iwasan ang mahuhulog na harina’t saluhin ang mga mapakikinabangan.
Nais kong sabihin na sa lalim ng ating samahan,
sa LANGIT-LUPA’y ‘di kita hahayaang maiwang nakalugmok sa putikan,
at sa LUKSONG BAKA’y sabay nating tatalunan ang mga balakid na humaharang.
LUKSONG TINIK ang magsisilbing hámon sa pag-abot ng matayog nating adhikang kinagigiliwan,
patuloy tayong luLUKSO at ‘di hahayaang kitilin ng LUBID ang mga pinaghirapan.
Mahulí man sa SAWSAW-SUKA’y ‘di kita hahayaang maging tayâ,
sabay nating siSIPAin ang mga táong sa atin ay sumisirà.
Mag-uunahan táyong makapag-impok ng kasaganaan na tila isang SUNGKÂ,
upang walang magiging isang palaka na pabuka-bukaka at kalauna’y matatagpuang nakatihaya’t kaawa-awa.
Hindi ako mapapagod makipagPATINTERO kina búhay at kamatayan,
‘pagkat ‘di ko ibig na maglaho ang ating hinulmang kayamanan.
Hindi ko hahayaang maging tila iTinUMBANG PRESO tayo na gayon na lang kung apak-apakan,
aakyatin ko ang PALOSEBO at walang pag-iimbot na aabutin ang kulturang sa ati’y nagbibigay pagkakakilanlan.
Buksan mo man ang aking dibdib, pangakong kayumanggi ang kulay nito taliwas man sa inaakala mo,
ito ang puso ko— puso ng isang maharlikang matalik na kaibígan mo.
Humihingi ako ng tawad ‘pagkat si modernisasyo’t teknolohiya’y kinakaibigan ko,
alam kong ika’y naninibugho’t naiinis sa kasalukuyan kong estado.
Huwag mo sanang isipin na nakikipagTAGU-TAGUAN na ako sa iyo,
patawarin mo nawa ako nakababatang sarili ko.
—
Isinulat ni:
Dandave Gonzales
Hiram
Nanunubig ang aking mga mata habang pinagmamasdan ang aking kaharap.
“K-kumusta?”
Ilang taon na ang nagdaan ngunit sariwa pa rin ang kagulumihanan sa aking isip. Subalit sa pagkakataong ito, batid ko na.
“Ang ganda at guwapo naman ng dalawa mong kasama. Mukhang mahal na mahal ka nila.”
Dahan-dahan kong niyakap ang litratong natagpuan ko sa likod ng teleponong hiniram ko kay mama— ang matandang babae na umampon sa akin.
—
Isinulat ni:
Dandave Gonzales