Sabi ni Mama

Noong bata pa ako, lagi kong naaabutang nag-aaway sina mama at papa pero maya-maya nama’y nagbabati rin. Minsan pa nga’y, nagsasalita sila ng mga hindi ko maintindihan. Kaya naman, hindi ko mapigilang magtanong nang maabutan si Mama, isang araw, habang nagluluto.

“Mama, anong ibig sabihin ng yawa?” kunot noo siyang tumingin sa’kin.

“Saan mo naman narinig ‘yan?” tanong niya.

“Sabi mo kay papa ‘yawa ka!’? sabi ko.

Umiling siya saba’y sabing “Wala ‘yon! Huwag ka ngang nakikinig sa usapan namin! Maglaro ka na lang doon sa labas!”

Hindi na ako nakaangal pa. Mabilis lumipas ang panahon.

Ngayong malaki na ‘ko, alam ko na ang ibig sabihin nun.

Lagi ko ngang sinasabi iyon sa mga ex-girlfriend ko tuwing nag-aaway kami para sana magkabati, pero bigla na lang silang hindi na nagpaparamdam o ang iba naman ay minumura pa ako.

Haaaays, ang gulo talaga ng mga babae!


Isinulat ni:
Lyn Lois Ong
Maximo L. Gatlabayan Memorial National High School

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *