Sana Ngayong Pasko

Sana ngayong pasko
Mangaroling tayo hindi para sa kapalit na pamasko,
Kundi para maghatid ng ngiti sa mga pusong may pighati.

Sana ngayong pasko,
Magsimba tayo na hindi hinahanap ang ibang tao,
Magpasalamat sa biyayang bigay ni Kristo.

Sana ngayong pasko,
Hindi siya ang hinahanap mong kulang sa buhay mo.
Bagkus, maramdaman mo sanang sapat na ang napakaraming nagmamahal sayo.

Sana ngayong pasko,
Huwag na tayong mag-asam ng materyal na regalo,
Pagkat hindi nasusukat ang pagmamahal sa pagbibigay nito.

Sana ngayong pasko,
Hindi masasarap na pagkain ang habol mo,
Pagkat ang saya'y di naman sa tiyan, nasa puso.

Sana ngayong pasko,
Sa kabila ng ingay ng videoke,
Sa kabila ng kumukutitap na Krismas tree,
Sa kabila ng siksikan sa grocery,
Sa kabila ng natatanggap na mamahaling regalo,
Manatili sana sa ating puso,

Ang tunay na dahilan ng pagdiriwang ito,
Si Hesukristo!


Isinulat ni:
Aivan B. Navallasca ng Binalbagan Catholic College

Leave a Reply

Your email address will not be published.