Walang Bago sa Bagong Taon

Bagong taon na naman.

Pero ano bang bago sa buhay ko? Ano ba ang nagbago sa loob ng isang taon? Parang wala naman.

Ganun pa rin ang mga problem. Ganun pa rin and sahod ko. Parang ganun pa rin naman ang mga gastos ko. Kaya ganun pa rin ang buhay.

Walang bago sa Bagong Taon na ito.

Pero alam mo… masaya ako.

Siguro dahil sa pagsasaya na nangyayari sa aking paligid. Mga pagsasaya na sa ilang araw lang ay matatapos din. At lahat ay babalik sa dati… kung ano ang lahat bago nagsimula ang Pasko.

At kapag bumalik na sa dati ang lahat. Masasabi ko na naman na tama ang naiisip ko… na walang bago sa Bagong Taon na ito.

Sa kabilang dako, kaya naman din walang nagbago ay dahil siguro, wala rin naman talaga akong binago sa sarili ko. Wala akong binabago sa buhay ko. Kaya walang bago para sa akin sa pagdating ng Bagong Taon na ito.

Oo, may mga bagay na gusto kong mabago; mga bagay na sana ay magbago. At alam ng Diyos na sinubukan kong baguhin sila. Pero hindi ko nagawa. Ganun pa rin ako. Matigas kasi yata talaga ang ulo ko — ayaw magbago.

Walang bago sa Bagong Taon na ito.

Pero masaya ako dahil pinipili ko ngayon na makita ang mga bagay na mabuti’t hindi nagbago; mga bagay na kung ano noong isang taon ay ganun pa rin ngayong Bagong Taon.

Katulad ng pagmamahal na nadarama ko mula sa aking pamilya. Ang kalusugan ko at ng mga mahal ko sa buhay. At lalo na ang mga kalakasan ko; ang sipag at tiyaga ko sa pagtatrabaho. Pati na rin ang pagnanasa kong makamit ang mga pangarap ko sa buhay balang araw.

Nandito pa rin silang lahat… hindi nagbago. Mabuti’t hindi nagbago. Masaya ako dahil sila’y nanatili at hindi nagbago.

Oo… walang bago sa Bagong Taon na ito sa buhay ko. Pero masaya ako.


Isinulat ni:
FLR

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *